By: Janelle Tolentino

CLAIM: Nangunguna ang senador na si Robin Padilla sa Pulse Asia’s poll para sa halalan ng pagka-presidente sa 2028.
RATING: HINDI TOTOO
Ang isang TikTok video na nagpapakita ng minanipula o in-edit na footage ng balita ay nagpalabas ng fake news tungkol sa pangunguna ni Senador Robin Padilla sa isang presidential preference survey ng Pulse Asia.

Ang bidyo na ipinost ng user na si @_ztrc sa TikTok ay nagpakita ng manipulated news footage mula sa TV Patrol’s news segment na ipinalabas noong Abril 3, 2024. Sa manipulated bidyo, si Senador Robin Padilla ang nanguna sa presidential preference survey na nakakuha ng 35% na boto sa buong bansa.

Opisyal na resulta ng 2028 Presidential Preference Survey ng Pulse Asia Research Inc.
Gayunpaman, ang aktwal na mga resulta ng Marso 2024 nationwide pre-election poll ng Pulse Asia ay nagpakita ng aktwal na kinalabasan ng presidential preference survey. Ayon sa opisyal na datos, nakakuha si Senador Robin Padilla ng 2% lamang ng mga boto, na inilagay siya sa ikaanim sa kabuuang listahan.
Sina Senador Raffy Tulfo at Bise Presidente Sara Duterte ang nanguna sa pre-election poll, kung saan nangunguna si Tulfo sa 35% at mahigpit na sinundan ni Duterte ang 34% ng nationwide votes.
Ang bidyo, na maling sinasabing si Senador Robin Padilla ay lubos na pinapaboran bilang kandidato sa pagkapangulo, ay nakakuha na ng 13k views, 119 reaksyon, at 93 komento sa oras na ito’y isinulat.
Mga Sanggunian:
March 2024 Nationwide Survey on 2028 Presidential and Vice-Presidential Preference
https://www.rappler.com/philippines/results-pulse-asia-2028-presidential-vice-presidential-survey-march-2024/
***
Ang artikulong ito ay kontribusyon ng De La Salle University – Dasmariñas’ (DLSU-D) sa proyekto ng Asian Network of News and Information Educators (ANNIE) School Net’s campus fact-checking project na naglalayong magtatag at magpatakbo ng fact-checking newsroom na binubuo ng mga estudyante. Ang ANNIE project ay suportado ng grant mula sa Google News Initiative. Ang GreenFM ang opisyal na midya ng DLSU-D sa ANNIE project.
