Monday, December 23, 2024

DLSU-D nakilahok sa sabayang candle lighting ceremony para sa Martial Law Anniversary

Share

Sa simbahan ng unibersidad, nakilahok ang De La Salle University-Dasmariñas (DLSU-D) sa sabayang interfaith candle lighting sa buong bansa bilang parte ng ika-52 na anibersaryo ng proklamasyon ng Martial Law nitong Setyembre 21, 2024.

Kaakibat ang temang, “Pag-alala sa mga biktima ng Martial Law,” ginanap ang misa kasunod ng candle lighting ceremony pagsapit ng alas-sais ng gabi at pag-awit ng mga kanta tulad ng “Bayan Ko” at “Pilipinas Kong Mahal.”

Ang Campus Ministry Office (CMO) at ang University Chaplain ay nagbigay na kanilang mga mensahe upang gunitain ang anibersaryo sa gitna ng seremonya.

Inumpisahan ito ng film showing ng mga pelikula tungkol sa Martial Law, slogan making activity ng mga student lider, at isang sibil na prosesyon papuntang simbahan. May mga banner na makikita sa iba-ibang parte ng kampus upang alalahanin ang mga naging biktima at na-tortyur noong Martial Law.

Mga slogan at banner katabi ng mga nakasinding kandila para sa mga biktima noong Martial Law at ang kawayang krus sa pasukan ng simbahan.

Ayon kay Lorenzo Centino Jr., Lead Advocacy Officer ng Lasallian Community Development Center (LCDC), ito ay parte ng isang buwang selebrasyon ng pamantasan para sa Lasallian Human Rights, Justice, and Peace Month.

“We in DLSU-D [are] in the advocacy that if we would like to achieve peace, we have to respect human rights and democracy — otherwise, peace can never be achieved, sabi ni Centino.

(“Tayo sa DLSU-D ay kasama sa adbokasiya na kung gusto nating magkaroon ng kapayapaan, kailangan nating respetuhin ang karapatang pantao at demokrasya — dahil kung hindi, hindi natin matatamasa ang kapayapaan.”)

Ang University Student Government (USG) ay kasama ng CMO at LCDC sa pag-organisa nito. Ang mga lider na mag-aaral ay nakasuot ng itim at hawak-hawak ang banner na pinapakita ang mensahe patungkol sa karapatang pantao at demokrasya.

Binigyang-diin ni USG President Abigail Hapal ang kahalagahan ng sibikong pakikilahok ng mga estudyante sa DLSU-D.

Aniya, “If hindi tayo kikilos, hindi tayo gagalaw, hindi tayo magpa-participate sa mga ganitong klaseng bagay — then what are we here for? Are we studying just for ourselves, or are we studying for the Filipino people?”

(“Kung hindi tayo kikilos, hindi tayo gagalaw, hindi tayo makikilahok sa mga ganitong klaseng bagay — e’di para saan pa at nandito tayo? Tayo ba ay nag-aaral para sa ating sarili, o tayo ay nag-aaral para sa mga mamamayang Pilipino?”)

Gwyneth Aristo
Gwyneth Aristo
Gwyneth Aristo is the Executive Editor and co-founder of DigiSalle. She is a sophomore Digital and Multimedia Journalism student at De La Salle University-Dasmariñas. She is also the current Director for News & Public Affairs in 95.9 Green FM. Gwyneth has been a campus journalist since 2012. Aside from writing news, she also likes to write fictional literary works. During her free time, she likes to watch shows, read books, and listen to music.

Read more

Local News