Sinuri ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III ang Senate Bill 2907 o ang Revised Government Auditing Act na isinusulong ng kapwa niya senador na si Robin Padilla.
Sa ginanap na debate sa plenaryo nitong ika-22 ng Enero, ibinahagi ni Padilla ang kahalagahan ng papel ng Commission on Audit (COA) sa pagpapanatili ng integridad sa pamamahala ng gobyerno.
Ayon sa kanya ay napapanahon na para palawigin pa ang kapangyarihan ng COA lalo na’t sumusunod na ang ahensiya sa international standards.
Nilinaw naman ni Padilla na hindi dinadagdagan ng panukala ang kapangyarihan ng COA, kundi palakasin ito.
Sinabi pa ni Padilla na ang mga nakalagay sa Auditing Act ay ginagawa na ngayon ng COA sa pamamagitan ng circular.
“Noong nagsagawa po kami ng mga pagdinig, napaka-eye opener po,” ani Padilla. “Sapagkat marami na po talaga na hindi nasasaad sa batas pero kanila na po itong isinasagawa at ginagawa na po nila—” tuloy niya. “—ang kailangan po natin ngayon ay maging batas po para masabing matalim ang kanilang ipin.”
May ilang mga bahagi naman ng panukala ang napuna ni Pimentel dahil sa posibleng maging maling interpretasyon nito sa mga makakabasa.
Isa na dito ang ika 24 na seksyon ay naglalayon na magbigay ng otoridad sa COA na tignan at suriin ang mga kontrata, kasunduan, at usapan sa pagitan ng gobyerno at ng mga pribadong kumpanya.
“Ang problema ko lang dito sa pagkakasulat sa section 24 sa page 19, sa title ng section, ‘limited jurisdiction over private entities,’ pero pag binasa mo ‘yung bahagi ng section, hindi mo naman makuha-kuha ‘yung ibig sabihin ng limited jurisdiction,” ani Pimentel.
“The words used are examine and audit which are the normal words… so where is the limitation found?” tanong ni Pimentel.
Nangako naman si Padilla na gagawin pa nilang mas malinaw ang mga nakalagay sa nasabing seksyon.
“Amin pong i-specify sa section 24 na malinaw kung ano po ‘yung dadaan sa audit. Ibig pong sabihin kung ano lamang po ‘yung dinapuan ng pera ng gobyerno sa PPP (Public-Private Partnership) doon lamang po sila may karapatan mag-audit,” saad ni Padilla.
“Maliban po doon, wala po silang pwedeng silipin doon patungkol po doon sa private na kumpanya,” dagdag pa niya.
Ilan din sa mga napuna ni Pimentel ang ika-16 na seksyon ng panukala dahil sa may mga detalye ito na tila isiniksik na lamang.
Isa kasi sa mga bahagi ng nasabing seksyon ay naglalayon na bigyan ng otonomiya ang COA sa paggawa ng mga karagdagang posisyon ng hindi na kinakailangan ng permiso mula Department of Budget and Management (DBM).
“Ang sinasabi nila sa atin ni-compress ‘yung [detalye] pero delikado po na mag-compress tayo nang ilang ideas kasi when we re-expand the compressed sentence, pwedeng iba na ulit ‘yung conclusion natin,” paliwanag ng senador.
Sa huli ay nagkasundo sina Padilla at Pimentel na magkaroon pa ng masusing pag-aaral at mga pagbabago sa Auditing Act.