Sunday, December 22, 2024

‘Hunyo 12 o Agosto 1’ Ano nga ba ang totoong araw ng ating kasarinlan?

Share

Mahigit isang daan at dalawampu’t anim na taon nang ipinagdidiriwang ng mga Pilipino ang Araw ng Kalayaan na isinasagawa tuwing Hunyo 12, 2024.

Sa nasabing araw natin sinasariwa kung paano napasakamay ng ating mga pinagpipitagang mga bayani ang pagkakakalas natin sa kadena ng pananakop ng mga Espanyol.

Popular ang paniniwala na noong ika-12 ng Hunyo 1898 nangyari ang pagpapatibay ng ating kalayaan, dahil halos ito nga naman ang mga nakalagay sa mga teksbuk na ating nababasa mula elementarya hanggang kolehiyo, ito rin ang ipinapakita sa telebisyon, at ipinaparinig sa ating mga radyo.

Ayon sa pinirmahang proklamasyon numero 28 ni dating Pangulong Diosdado Macapagal noong 1962, ay idineklarang Araw ng Kalayaan ang Hunyo 12 para alalahanin ang “deklarasyon” ng pagiging malaya ng mga Pilipino.

Ngunit kung titignan, tila unti-unting nagkakaroon ng haka-haka kung tama nga ba ang petsa na ating ipinagdiriwang taon-taon dahil na rin sa mga bagong impormasyong nakalap ng mga historyador.

Ang Bahay na Tisa ng Bacoor

Tuwing ika-1 ng Agosto, ipinagdiriwang sa lungsod ng Bacoor sa Kabite ang isang espesyal na pangyayari na kahit mismong mga kasalukuyang henerasyon ng mga Bacooreño ay hindi alam ang kabuluhan nito sa kasaysayan — hindi lamang ng kanilang buong probinsiya, kundi pati na rin ang buong kapuluan.

Nangyayari ang pagdiriwang na tinatawag na ‘Araw ng Paglalathala at Pagtatanyag ng Kasarinlan ng Pilipinas’ sa harap ng ‘Bahay na Tisa’ isang lumang tahanan na gawa sa materyal na kung tawagin ay ‘tisa’ o hunurnó na luwád.

Hindi alam ng nakararami na sa apat na sulok ng lumang gusaling ito ginanap ang pagpirma ng opisyal na Deklarasyon ng Kalayaan ng Pilipinas na pinaniniwalaang mas dapat kilalanin kaysa sa proklamasyong ginawa ni dating pangulong Emilio Aguinaldo sa balkonahe ng kanyang mansyon sa Kawit. 

Larawan ng Bahay na Tisa. (https://launion.gov.ph/pglu-partakes-in-126th-bacoor-assembly-anniversary/)

Pagmamay-ari ng mag-asawang Juan Cuenca at Candida Chaves ang tahanan na nagsilbing punong-tanggapan ng Pamahalaang Rebolusyunaryo noong 1898, naging saksi ito sa ilan sa mga pinakamahahalagang pangyayari sa naganap na paghihimagsik sa Cavite.

Pinaniniwalaan na ang Bahay na Tisa ay mayroong mga ‘balon’ na nakakonekta sa iba’t ibang lugar katulad na lamang ng Parokya ng San Miguel de Arkanghel at Ilog ng Imus upang magmistulang takasan kung sakaling sila ay malusob ng mga Espanyol.

Pini-priserba pa rin ang karamihan sa mga materyales ng bahay na hanggang ngayon ay pagmamay-ari pa rin ng Pamilya Cuenca kaya’t madalas din itong puntahan ng mga turista na interesado sa kasaysayan ng Bacoor.

Pagsasaliksik para bigyang linaw ang kasaysayan ng kalayaan ng Pilipinas

Ayon sa kanyang libro na pinamagatang Philippine Independence: The Truth about August 1, 1898, Bacoor Assembly: a Historiographical Inquiry, nakasaad ang ilan sa mga katanungan tungkol sa proklamasyon na ginanap sa Kawit, kasama na dito ang mga pahayag ng mga tanyag na historyador na sina Onofre D. Corpuz at dating Punong Ministro Cesar E. A. Virata.

Larawan mula sa bacoor.gov.ph

Sa nasabing pagsasaliksik nalaman na minadali lamang ni Aguinaldo, sa tulong ni Ambrosio Rianzares Bautista ang pagsulat ng naunang deklarasyon ng kalayaan na naging dahilan para sa ‘Dakilang Lumpo’ na si Apolinario Mabini na subukang pigilan ang proklamasyon noong Hunyo 12.

Ayon sa kanya, ang deklarasyon na ini-akda ni Bautista ay hindi naihanda mabuti at ang mga ideya nito ay galing lamang sa mga miyembro ng militar. Ngunit sa kabila ng mga pagkontra ng ‘Utak ng Himagsikan’ itinuloy pa rin ni Aguinaldo ang proklamasyon sa orihinal nitong petsa.

Nakasaad din sa dokyumento ni Bautista na magiging protektor ng Pilipinas ang Amerika na kapareho ng ginawa ng mga Amerikano sa Cuba.

Ayon kay Virata ay tinutulan din ni Aguinaldo ang June 12 draft dahil sa kontra ito sa espiritu ng kalayaan. Ito ang naging dahilan upang gumawa si Mabini ng bagong dokyumento na magtatama sa mga pagkakamali ng naunang deklarasyon.

Noong ika-1 ng Agosto, 1898 sa apat na haligi ng Bahay na Tisa sa Bacoor ay pinirmahan ni Aguinaldo ang Acta de Independencia na akda ni Mabini at nilagdaan ng mahigit 200 na mga pinuno mula sa iba’t ibang probinsya o mga Presidente Municipal.

Naniniwala si Dr. Calairo na hindi ratipikasyon nang June 12 draft ang pinirmahan ni Aguinaldo noong Agosto 1 kundi panibagong deklarasyon. Ito ang pumukaw sa ideya na ang totoong lugar ng kapanganakan ng Araw ng Kalayaan ay nangyari sa Bacoor at hindi sa Kawit.

“Ang recognition ng ibang bansa sa ating kalayaan ay hindi lamang dapat militar ang nangunguna kundi maipakita natin na meron na tayong organisadong civil government na nagmumula sa iba’t ibang bayan. Kaya ‘yung pagpirma ng mga presidente municipal ay napakahalaga,” ani Dr. Calairo sa isang dokyumentaryong ginawa ng Lungsod ng Bacoor.

Larawan mula kay Eugene Alvin Villar

Naniniwala naman si Virata na hindi napansin ang kahalagahan ng kasaysayan ng Pagpupulong sa Bacoor noong Agosto 1, 1898 dahil narin sa impluwensiya ng mga mananakop.

“Ang history natin parang gawang Amerikano […] Syempre, kung sino man ang panalo sila ang sumusulat ng kasaysayan, kaya naman ang mga bagay na ito ay parang naisantantabi na lamang,” wika ni Virata.

Upang subukang itama ang kasaysayan ay isinusulong ngayon sa Kongreso ang isang panukalang batas na kikilala sa kahalagahan ng ika-1 ng Agosto, 1898.

Isinasaad ng House Bill No. 7986 na gawing special working holiday ang Agosto 1 upang alalahanin ang mga nangyari sa Bacoor na maituturing na opisyal na Deklarasyon ng Kalayaan ng Pilipinas.

Isa ito sa mga unang hakbang upang iwasto ang kinagisnan nating paniniwala tungkol sa araw ng ating kalayaan.

Russell Aguila
Russell Aguilahttp://digisalle.com
A Digital and Multimedia Journalism Student at the De La Salle University – Dasmariñas. A freelance writer since 2014. DigiSalle's project co-head and currently webmaster of Digisalle.com.

Read more

Local News