By: Gwyneth Aristo
CLAIM: Sinabi ni President Marcos na siya ang unang presidente ng Pilipinas na bumisita sa Sumisip, Basilan.
RATING: HINDI TOTOO
Maling sinabi ni President Ferdinand Marcos Jr. sa isang press conference sa Basilan nitong March 2, 2024 na siya ang unang Filipino president na bumisita sa lugar ng Sumisip.
“I am the first president to be able to come here because this was ground-zero in the time of the fighting,” ayon kay Marcos.
(Ako ang unang presidente na pumunta rito dahil ground-zero ito noong panahon ng giyera.)
Ang quote na ito ay ni-repost sa YouTube Shorts ni user @storyteller001 na may kasamang caption na “PBBM 1st President pumunta sa Basilan. Yan ba ang sinabi mong weak leader?” kung saan nakaani na ito ng higit 9K likes.
Mali ang claim na ito. Hindi si Marcos Jr. ang unang presidente na bumisita sa probinsya ng Basilan at hindi rin siya ang unang presidente na bumisita sa munisipyo ng Sumisip.
Ang pinaka-unang pangulo na opisyal na nadokumentahan habang bumibisita sa probinsya ng Basilan ay ang dating presidenteng Manuel L. Quezon noong September 3, 1940.
Nakuhanan ng litrato si Quezon habang siya ay nagtatanim ng puno ng mangosteen sa lugar. Pinost ito sa X ng kanyang apo na si Manuel L. Quezon III noong September 14, 2020.
Animnapu’t pitong taon makalipas nito, ang dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo naman ang bumisita sa Tabiawan, Isabela City, Basilan noong ika-23 ng Agosto, 2007 kasama ang mga sundalo ng Philippine Marines.
Kahit sabihin natin na ang sinasabi ni Marcos ay ang spesipikong pagbisita niya bilang presidente sa munisipyo ng Sumisip sa Basilan, mali pa rin ang claim niya na ito.
Bumisita na sa Brgy. Tumahubong sa Sumisip, Basilan si Former President Benigno Aquino III noong March 21, 2016. Pumunta siya sa Sumisip para pasinayaan ang pagtayo ng Basilan Circumferential Road.
Dahil mayroon nang tatlong presidente na nakabisita sa Basilan, at isa pa doon ay nakapunta na ng Sumisip, pinapatunayan nito na mali ang naging statement ni President Marcos Jr.
***
Ang artikulong ito ay kontribusyon ng De La Salle University – Dasmariñas’ (DLSU-D) sa proyekto ng Asian Network of News and Information Educators (ANNIE) School Net’s campus fact-checking project na naglalayong magtatag at magpatakbo ng fact-checking newsroom na binubuo ng mga estudyante. Ang ANNIE project ay suportado ng grant mula sa Google News Initiative. Ang GreenFM ang opisyal na midya ng DLSU-D sa ANNIE project.